Dalawang araw pa nga lang, parang wala na ako sa aking sarili (eksaherasyon lamang)... Dalawang linggo pa kaya?
Magiging kulay itim at puti lamang pansamantala ang mundo ko magsimula sa ika-lima ng Nobyembre hanggang sa ika-labingwalo. Sa mga araw na yaon, palagiang magkakaroon ng puwang ang aking buhay at hindi ko maiiwasang hindi mag-alala.
Kapag tinitingnan ko sa kalendaryo, tila kay ikling panahon ngunit nabatid kong hindi ito magiging madali dahil naalala ko noon, minsan na rin akong naghintay at umabot iyon ng isang linggo. Wala akong natatanggap na balita kaya't lubos ang aking pag-aalala. Pakiramdam ko'y nag-iisa na naman ako. Ngunit matapos noo'y nagkausap na muli kaya't bumuti na ulit ang kalagayan ako.
Papalapit na ang itinakdang araw. Magsisimula na naman akong pilitin ang sarili na huwag mag-alala. Pilitin ang sarili na maghanap ng ibang gawain upang malibang.
Nakakatuwa talaga... kapag tinitingnan ko sa kalendaryo, ang daling sabihin na, "sus... dalawang linggo lang pala e. kaya ko yan!" hay, sana nga.
Paumanhin at ako'y tila nagiging makasarili. Bueno, ang dasal ko lamang ay sana maging maayos ang pananatili mo sa iyong pupuntahan. At kung ikaw ay makararanas ng kalungkutan, isipin mo lang ako at ang mga kabaliwan ko na nagpapatawa sa'yo.
Mag-iingat ka lagi!
[naging inspirasyon ko sa mensaheng ito ang pananalita ni Grazilda kaya walang basagan ng trip!]
No comments:
Post a Comment
Thanks for reading! :) now pop that bubble thought here.