Wednesday, March 03, 2010

Arf! Bark! Aw! Rawr!

Lagi na lang walang tao sa bahay. Ang tahimik kaya lagi na lang akong natutulog sa ilalim ng mesa o kaya sa labas malapit sa pinto kasi presko. Pero minsan, nakikita ko si Nelvin na lumalabas ng kwarto nila. Ano kayang ginagawa nya?

Dati kasi, araw-araw nakikipaglaro siya saken tapos pinapakain nya pa ko. Ang saya nga kapag hinahabol ko sya. Araw-araw nya rin akong kinakausap. Pero nitong mga nakaraan, lagi na lang sya sa kwarto. Minsan, nakita kong medyo bukas yung pinto kaya pumasok ako. Pero hindi siya tumingin saken. Kinailangan ko pang lumapit at magpapansin. May nakita akong isang bagay. Dun siya nakatitig. Tapos may mga pinipindot siya sa mesa tapos may ginagalaw na kung ano. Naaliw ako sa tinitignan nya kasi ang daming kulay at kung anu-ano pang mga nangyayari na mukha namang nakakatuwa. May tumutunog pa nga e.

Nung lumapit ako at kinalabit ko siya, sabi nya, "O pano ka nakapasok? Labas ka muna. May ginagawa pa ko sa computer." Pero hindi ako gumalaw liban sa aking buntot. Gusto ko kasi lambingin nya ko e. Siya lang kasi tao dito sa bahay. Masaya naman ako nung pinansin nya ko. Tapos lumabas siya na parang tumatakbo at tinatawag pa ko kaya natuwa ako at hinabol ko siya. Maya-maya, pumasok siya sa kwarto tapos sinara ang pinto. Kumatok ako pero ang sabi nya, "mamaya na Mocha!" Bumalik na lang ako sa ilalim ng mesa at nagbuntong hininga tsaka natulog.



3 comments:

  1. WOW! Ang galing! Hindi lang sayo nakapokus ang blog mo pati alagang hayop eh sinama mo. Ngayon lang ako nakabasa ng ganito.. Binibigyang panahon ang mga bagay o nilalang na nakalimutan na subalit dati-rati'y sentro ng atensyon. Isa pang salitang "Magaling!". Magaya nga, hehe! :D

    ReplyDelete
  2. ang kyut nman. haha. nagsusulat na pala si bantay. hehe.

    ReplyDelete
  3. Salamat Jet! :D

    uu naman cindii! tinuruan ko pa nga magtype kaya lang halos lahat, napipindot niya sa keyboard. kaya ako na lang daw.

    ReplyDelete

Thanks for reading! :) now pop that bubble thought here.