Wednesday, March 03, 2010

Arf! Bark! Aw! Rawr!

Lagi na lang walang tao sa bahay. Ang tahimik kaya lagi na lang akong natutulog sa ilalim ng mesa o kaya sa labas malapit sa pinto kasi presko. Pero minsan, nakikita ko si Nelvin na lumalabas ng kwarto nila. Ano kayang ginagawa nya?

Dati kasi, araw-araw nakikipaglaro siya saken tapos pinapakain nya pa ko. Ang saya nga kapag hinahabol ko sya. Araw-araw nya rin akong kinakausap. Pero nitong mga nakaraan, lagi na lang sya sa kwarto. Minsan, nakita kong medyo bukas yung pinto kaya pumasok ako. Pero hindi siya tumingin saken. Kinailangan ko pang lumapit at magpapansin. May nakita akong isang bagay. Dun siya nakatitig. Tapos may mga pinipindot siya sa mesa tapos may ginagalaw na kung ano. Naaliw ako sa tinitignan nya kasi ang daming kulay at kung anu-ano pang mga nangyayari na mukha namang nakakatuwa. May tumutunog pa nga e.

Nung lumapit ako at kinalabit ko siya, sabi nya, "O pano ka nakapasok? Labas ka muna. May ginagawa pa ko sa computer." Pero hindi ako gumalaw liban sa aking buntot. Gusto ko kasi lambingin nya ko e. Siya lang kasi tao dito sa bahay. Masaya naman ako nung pinansin nya ko. Tapos lumabas siya na parang tumatakbo at tinatawag pa ko kaya natuwa ako at hinabol ko siya. Maya-maya, pumasok siya sa kwarto tapos sinara ang pinto. Kumatok ako pero ang sabi nya, "mamaya na Mocha!" Bumalik na lang ako sa ilalim ng mesa at nagbuntong hininga tsaka natulog.



Monday, March 01, 2010

Switch On/Off

First time kong maranasang sumakay ng jeep at biglang nagbrownout ang buong bayan. Ang una kong narinig ay ang mga tili at sigaw na akala mo'y kinagat ng ipis sa kanilang maseselang bahagi. Hindi ko alam kung bakit kailangan pang magreact ng ganon. Siguro nga, natural na dahil nagulat sa pagkawala ng kuryente. Nagugulat din naman ako pero abnormal na siguro ako kasi hindi naman ako tumitili o sumisigaw. Naisip ko lang kasi, bakit kailangan pang maging exagerated e nawalan lang naman ng kuryente? At kahit anong inis at galit mo kung sakaling naputol ang ginagawa mo, nangyari na yon kaya wala ka nang magagawa. Mas mabuti sana kung ngingiti ka na lang at tanggapin yon.

Buti pa sa jeep na sinasakyan ko, may ilaw. Habang byahe, napansin kong naglabasan ang mga tao. Marami ring nagsindi ng kandila. Nag-alala ako sa mga taong mag-isang nagaabang sa tabi ng kalye kasi hindi sila ligtas dahil baka sakaling manakawan sila o kung ano mang masamang mangyari. Pinagdasal ko na lang na sana bantayan sila ni God. Tapos, napansin ko rin na ugali ng mga pinoy na magtipon-tipon at mgkwentuhan at alamin ang buhay-buhay ng bawat isa. Nakakatuwa kasi yun lang pala ang paraan para iwanan ang sariling mundo at makihalubilo sa ibang tao at maging malapit sa kanya-kanyang pamilya.

Wala palang kwenta ang teknolohiya nung mga oras na yon. Ang dami kong nadaanang mga computer cafe na nilangaw. Wala ring bukas na tv na pinapanatiling nakatitig at nakanganga ang mga nanonood sa loob ng bahay. Walang sounds at ilaw kaya biglang naging presko ang hangin at naging kapansin-pansin ang kalangitan. Kung tutuusin, parang bumalik sa panahon ng mga cavemen. Walang magawa ang mga tao. Hindi makausad. Parang tumigil sandali ang mundo. Hindi ko alam kung maaawa ba ako o matatawa na lang kasi nanatiling matatag ang mga cellphones. Sila ang naging bida. Halos lahat ng taong nakita ko sa daan, kundi nagtetext, may kausap naman. Naging oras din yon para magpayabangan ng mga model at matira ang matibay. Marami rin sigurong nagsex dahil walang magawa at madilim naman. LOL

At eto pa ang isang nakakatuwang masaksihan. Kung kanina, exagerated kapag nawalan ng ilaw, ngayon naman, parang dinaig pa ang mga cavemen sa pagkakadiskubre ng apoy nung magkaroon na ng kuryente. Merong 'YEHEY!' 'Ayoooooonnn! Sa wakaaaaaaasss!' 'WOOOOOOOO!!' 'Hay salamat.. may kuryente na.' at mga tawanan at iba pang sigawan na akala mo'y nagumpisa na ang piyesta. At syempre, dahil abnormal ako.. ngiti lang naman at nagpasalamat kay God na may kuryente na ulit. Balik na sa normal ang lahat na parang walang nangyari.

Gusto ko lang sanang isingit.. nung panahon kasi ng bagyong Ondoy, di ba nagbrownout din? Naalala ko lang kasi na naipon kami ng pamilya ko sa sala at nagsimulang magkwentuhan at magtawanan. :) Ayon na siguro ang isang magandang rason kung bakit pinapatay sandali ni God ang switch.